-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hawak umano ng Commission on Elections (Comelec) ang pasya kung kakailanganin ng isang lugar ng augmentation force mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ay may kaugnayan sa mga lugar na kasama sa mga naideklerang election hotspot ng Comelec, kasama na ng PNP at AFP.

Base sa huling tala ng PNP, nasa kabuuang 941 ang election hot spot sa buong bansa na katumbas ng 57.60 porsyento sa 1,634 na lungsod at munisipalidad sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na nakadepende sa assessment nila at ng mga nasabing law enforcement agency ang deployment ng mga augmentation personnel.

Aniya, maaari rin umanong hindi magpadala o magbawas ng mga kapulisan at militar sa isang lugar kahit na naideklera itong election hotspot, depende sa resulta ng assessment.

Ito ay maaari rin umanong maipatupad sa mga lugar na naisakup sa category red election hotspot na kinabibilangan ng buong rehiyon ng Mindanao, buong lalawigan ng Abra, kasama na ang Jones, Isabela at Lope de Vega, Northern Samar.