Naglabas ng pahayag ang Philippine Coast Guard kaugnay sa napaulat na pagpapadala ng China ng amphibious assault ship sa Spratly Islands.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na layunin ng deployment ng naturang barko ng People’s Liberation Army Navy ng China na pigilan ang mga isinasagawang scientific survey ng civilian Filipino scientists sa bahagi ng Escoda shoal o tinatawag ding Sabina shoal na nasa hilagang silangan ng Dangerous ground sa Spratly Islands.
Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang tugon sa inilathala ng isang tabloid newspaper ng Chinese Communist Party na namataan sa kauna-unahang pagkakataon na main amphibious warship ng PLA Navy na isang Type 071 amphibious landing ship sa Spratly Islands sa WPS noong Hunyo 4.
- Nasugatang tauhan ng PH Navy sa harassment ng Chinese forces sa kasagsagan ng resupply mission sa Ayungin shoal, binigyang parangal ng AFP
- 1 Pilipinong sundalo, napaulat na nasugatan sa banggaan ng barko ng China at PH; NTF-WPS, nilinaw na ang Chinese vessels ang nagsagawa ng mapanganib na maniobra
Sinundan ito ng isang amphibious assault ship ng PLA Navy na Type 075 landing helicopter dock na namataan malapit sa Zhubi Jiao o tinatawag ng PH bilang Zamora reef na isang low tide elevation sa Spratly Islands noong Biyernes, Hunyo 14.
Ang hakbang na ito ayon sa mga eksperto ay paghahanda para sa anumang emergency response sa gitna ng pauli-ulit umanong probokasyon ng PH.
Subalit sa panig ng Pilipinas, iginiit ni Comm. Tarriela na hindi tamang sabihin na pinoprovoke ng PH ang China sa anumang paraan.
Mahalaga din aniyang bigyang diin ang katotohanan na ang paglala ng tensyon sa West Philippine Sea ay direktang resulta ng ilegal na presensya ng mga barko ng China, mga ginagawa nitong bullying tactics at provocative actions.