Naghahanda na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa rehabilitation phase sa Marawi City.
Kaugnay nito, kinumpirma ni AFP Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla na dalawang engineering batallion ng AFP engineering units ang nakatakdang i-deploy sa Marawi pero wala pang petsa.
Una ng inihayag ng AFP na nasa 16 na malalaking buildings o mga major infrastructure sa Marawi ang cleared na ngayon mula sa teroristang Maute.
Sa ngayon kasi ay nagpapatuloy pa ang clearing operations ng militar sa Marawi.
Paglilinaw naman ni Padilla na ang rehabilitation phase sa Marawi ay isang whole of government approach dahil hindi nila ito kayang solohin kaya kailangan din ng tulong ng local government.
Sa kabilang dako, may ilang personnel na rin mula sa engineering units ng AFP ang kasalukuyang nasa Marawi na at naghahanda para sa construction ng mga building at iba pa.
Sinabi ni Padilla na mismong si AFP chief of staff Gen. Eduardo Año ang nag-utos sa mobilization ng engineering units sa Marawi.
“It has to be a whole of govt doing the rehab, reconstruction and rebuilding, so we will work hand in hand with everyone else but we can provide the lead initially until such that time that the whole of govt and other agencies that can help are still mobilizing,” pahayag ni Padilla.