Naniniwala si Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang pag-develop sa Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal ang pangmatagalan at permanenteng solusyon sa pagbaha sa kanilang siyudad.
Matatandaang binaha ang Marikina matapos ang malakas na pag-ulang dala ng Bagyong Ulysses, kung saan mas mataas pa ito sa lebel ng tubig na naitala noong pananalasa ng Bagyong Ondoy noong 2009.
Ayon kay Teodoro, magsisilbi ang pasilidad bilang “retention dam” para sa mga bahang bababa sa Marikina.
Sinabi rin ng alkalde na makatutulong din ang pag-rehabilitate sa Marikina watershed upang mapigilan ang mga pagbaha.
Nasa 50,000 kabahayan sa siyudad aniya ang nalubog sa putik habang nagpapatuloy ang clearing operations sa mga secondary roads.
Dagdag pa ni Teodoro, suspendido ang klase mula Nobyembre 16 hanggang Disyembre 16 matapos ma-wash out ng baha ang mga pag-aari ng mga residente, kabilang na ang mga learning modules ng mga estudyante.