-- Advertisements --

Isa sa mga dahilan na nakikita ng PNP Crime Laboratory kung bakit magkaiba ang kanilang findings sa autopsy sa bangkay ng 17-anyos na estudyante at ng Public Attorney’s Office (PAO) ay dahil isinailalim na ang cadaver ng binatilyo sa embalsamo.

Ayon kay PNP Crime Lab director C/Supt. Aurelio Trampe, ang PNP ang naunang nagsagawa ng autopsy sa labi ni Kian Delos Santos bago ang forensic expert ng PAO.

Sa findings ng PNP Crime Lab  dalawa lamang ang tama ng bala sa ulo ni Kian, habang ang findings ng PAO ay tatlo, dalawa sa ulo at isa sa likurang bahagi ng katawan.

Paliwanag ni Trampe, ang sugat sa likod ng leeg ni Kian ay maaaring napagkamalan ng forensics expert ng PAO na pangatlong gunshot wound.

Kinumpirma naman ni PNP Crime Lab Medico Legal Officer Dra. Jane Monzon na batay sa autopsy report ng PNP may incision sa right lateral neck at sa right thigh na posibleng dahil sa pag eembalsamo.

Aminado si Monzon na mahirap matukoy ang mga entry at exit wounds kapag na embalsamo na dahil malinis na ang katawan.

Nagkatugma naman ang report ng PAO at ng PNP sa dalawang tama ng bala na pababa ang trajectory.