-- Advertisements --

Hindi na ikinagulat ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pag-endorso ng na-impeach na si Vice President Sara Duterte ng mga kandidato sa pagka-senador, na kung mananalo ay siyang boboto sa kanyang impeachment trial.

Sinabi ni Ortega na naghahanap na ng kakampi si VP Sara lalo at malapit na ang impeachment trial.

Kasunod ito ng pag-endorso ni Duterte sa dalawang kandidatong tumatakbo sa pagka-senador.

Ayon kay Ortega, ang pagbabagong ito sa estratehiya ay sumasalamin sa pagiging praktikal sa politika ng Bise Presidente.

Kung maalala sinabi ni VP Sara na  hindi siya mag-eendorso ng kahit sinong tumatakbo sa Senado pero ngayon nagbago na ito.

Naniniwala si Ortega na ang ganitong senaryo ay mistulang pinagplanuhan, lalo na’t nalalapit na ang impeachment trial sa Senado kung saan nakasalalay ang karera sa politika ng Bise Presidente.

Paalala ni Ortega sa mga opisyal na manatiling tapat sa kanilang mga salita at gawa para isulong ang interes ng taumbayan.