-- Advertisements --
ILOILO CITY – Kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang eksena ng pagwawala ng tatlong pulis sa isang night club sa Iloilo City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Joseph Celis, regional director ng NAPOLCOM-6, na nilabag ng tatlong pulis ang Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa mga pulis na maglasing at mag-iskandalo sa pampublikong lugar.
Ani Celis, maituturing na “act of stupidity” ang ginawa ng mga hindi na pinangalanang pulis.
Kaugnay nito, nanawagan ang NAPOLCOM regional director sa Philippine National Police na ipagbigay alam sa publiko ang identity ng mga nasangkot na opisyal.
Sa ngayon, hinihintay daw ng tanggapan ang pag-turnover sa kanila ng pulisya sa mga pasaway na kawani.