LEGAZPI CITY – Nauunawaan umano ni dating ARMM PNP CIDG chief PLt. Col. Nilo Berdin Jr. ang desisyon ng korte na hindi muna mabigyan ng closure ang kaso ng sinasabing ika-58 biktima sa malagim na Maguindanao massacre.
Una rito, nanlumo ang mga kamag-anak ni Reynaldo Momay kahit pa karamihan sa mga principal accused mula sa Ampatuan clan ang hinatulang guilty at pinatawan ng reclusion perpetua without parole, dahil 57-counts of murder lamang ang binasa ng clerk of court.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Berdin na kahit nakuha ang pustiso at ilan sa mga gamit ni Momay sa pinangyarihan ng krimen, kailangan pa rin ng prosekusyon na maka-establish ng matibay na corpus delicti o body of crime.
Si Berdin ay isa sa mga nag-imbestiga sa naturang kaso na itinuturing na worst election-related violence sa Pilipinas.
Duda si Berdin sa posibleng testigo na makakapaghayag na nakita si Momay sa crime scene kaya’t nararapat lamang na makakuha ng karampatang ebidensya na makakapagpatunay na nangyari ang krimen sa kaparehong lugar at laban sa sinasabing biktima.