Hihilingin umano ni Presidential Management Staff at Hatid Tulong Program lead convener Asec. Joseph Encabo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na i-exempt ang mga locally stranded individuals (LSIs) sa umiiral na travel ban para makauwi na ang mga ito sa kani-kanilang mga lalawigan.
May ilan pa kasing mga LSI ang nananatili sa Metro Manila dahil pansamantalang tumigil ang kanilang mga probinsya sa pagtanggap ng mga umuuwing residente para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Encabo, nais nilang mabigyan ng exemption ng IATF ang mga LSI upang mapabilis ang pagproseso sa kanila.
Makikipag-ugnayan din daw sila sa mga local government units kung saan tutungo ang naturang mga LSI.
Sakaling pagbigyan ng IATF, sinabi ni Encabo na agad nilang gagawin ang schedule at ipa-facilitate ang transportation na gagamitin sa mga stranded na indibidwal.
Sa ngayon, sumasailalim pa raw sa disinfection ang mga sasakyang ginamit ng mga nakalipas na batch ng mga LSI na dinala sa kanilang mga probinsya.
Sinabi pa ni Encabo, ang mga driver at iba pang mga personnel na nag-asikaso sa mga OFW ay kasalukuyan pang nasa quarantine upang masiguro na hindi dinapuan ng COVID-19.