Patuloy umano ang ginagawang pagmo-monitor ng Department of Health (DOH) upang malaman kung sapat na ang ipinatupad na isang linggong class suspension sa buong Metro Manila at kalapit na mga lugar bunsod ng paglobo ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, posible pa raw itong mapalawig depende sa magiging resulta ng contact tracing sa nakasalamuha ng 33 nagpositibo sa sakit.
Nagbabala naman si Duque sa mga nagpapakalat ng pekeng pangalan ng mga pasyente ng COVID-19, lalo pa’t hindi naman isinasapubliko ng kagawaran ang pangalan ng mga pasyente.
Giit ni Duque, maaaring maharap sa pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng mga fake news.
Samantala, sinalag naman ng kalihim ang mga opisyal ng DOH matapos na magkamali sa inilabas na initial report sa bilang ng mga COVID-19 cases sa bansa.
Sa nauna kasing anunsyo ng ahensya, nakapagtala na ng 11 panibagong kaso, kaya lumobo na raw sa 35 ang bilang ng mga mino-monitor na pasyente.
Ngunit sa isang press briefing, binawi ni Asec. Maria Rosario Vergeire ang anunsyo at inihayag na siyam lamang ang bagong kaso, na may kabuuang bilang na 33.
“I take the cudgels for my people who have been severely overstretched in the last several days with no weekend breaks,” wika ni Duque.
“Nagkakamali din lalo na kung walang pahinga!”
Una rito, ipinaliwanag ni Vergeire na nagkumahog sila sa pag-anunsyo ng 11 panibagong kaso dahil naunang naglabas ng updated na datos ang isang private organization bago ang media conference ng DOH.
“Upon verification, DOH reported that two of the new positive samples received by the Epidemiology Bureau are repeat tests on samples taken from patients 7 and 8,” ani Vergeire.