Posibleng aabot pa sa dalawang araw bago tuluyan ma-extricate ang sumadsad na barko ng Philippine Navy (PN) ang BRP Gregorio del Pilar sa may bahagi ng Hasa-hasa shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Noel Detoyato sa ngayon hindi pa nare-retrieve ang sumadsad na barko,bagamat nagpadala na sila ng dalawang tugboats.
Ang dalawang tugboats ay manggagaling pa sa Batangas na siyang hihila sa barko.
Sinabi ni Detoyato, umalis na kahapon ang isang tugboat habang ang isa ay nakatakdang aalis ngayong araw, kaya posibleng aabot pa sa dalawang araw bago tuluyang maextricate ang sumadsad na barko.
Nilinaw naman ni Detoyato na hindi buong propeller ang nasira kundi sa gilid na bahagi nito kaya hindi malaki ang damage sa barko.
Ang nasira aniya ay ang side thruster ng barko na isang maliit na propeller na ginagamit na pang-maneobra ng barko.
Lahat din aniya ng major systems ng barko kabilang ang makina ay umaandar ng maayos kaya makakabiyahe pa pabalik sa daungan.
“Oo, kaya nga yung crew intact pa rin duon kasi umaandar ang makina niya, all other systems are working,” pahayag ni Detoyato.
Dagdag pa ni Detoyato,hindi sinadya ang pagsadsad ng BRP Gregorio Del Pilar sa Hasa hasa shoal tulad ng ginawa sa BRP Sierra Madre sa ayungin shoal, na ginawang outpost ng mga Philippine marines na nagbabantay sa pinag-aagawang isla.
Hindi na umano bago ang insidente ng pagsadsad sa nasabing lugar, dahil marami ng barko ang sumadsad sa nasabing shoal kabilang na ang isang military vessel ng China nuong 2012.
” Hindi, hindi siya intensiyonal, e ano natin yan na barko e, saka ran aground siya, hinde siya hed on, side siya parang natapsingan lang sa side,” wika pa ni Detoyato.