-- Advertisements --

Kinansela na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pag-host ng Pilipinas sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero dahil sa ipinataw na travel ban ng bansa bunsod ng bagong variant ng COVID-19.

Nakatakda sanang gawin sa bansa ang mga laro ng Group A at C sa ikatlo at huling window ng qualifiers mula Pebrero 18 hanggang 24 sa Clark, Pampanga.

Sa isang pahayag, sinabi ni SBP president Al Panlilio na batay sa natanggap nilang tugon mula sa National Task Force Against COVID-19, wala raw magiging exemptions sa umiiral na travel restrictions na inanunsyo ng Department of Foreign Affairs.

“The SBP wanted nothing else than to be with the international basketball communuty as it attempts to bounce back in 2021 after taking a huge hit during the pandemic,” saad ng SBP.

“We’ve exerted a lot of effort into our hosting of the upcoming Fiba Asia Cup qualifiers and this is why it is with great sadness that we announced it is no longer going to happen.”

Kaugnay nito, umatras na rin ang Japan sa pag-host ng continental meet dahil sa pagsasara ng kanilang bansa sa mga banyaga bilang pag-iingat sa bagong strain ng virus.

Agad namang nag-alok ang Doha na i-host ang mga kinanselang laro sa Group B sa pamamagitan ng Qatar Basketball Federation.

Habang hindi pa tukoy sa ngayon ang bagong venue ng qualifiers ng Group A at C.