-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kumpirmado ng pito ang bilang ng mga biktima ng 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV) sa Macau habang hinigpitan pa ng pamahalaan doon ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng nasabing virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Roselyn Pacio, hotel worker sa The Venetian Macao at naninirahan ngayon sa isla ng Taipa sa Macau, kaninang umaga lamang nakumpirma ang pangpitong kaso ng nasabing virus kung saan lahat ng mga biktima ay naka-quarantine na ngayon doon.

Aniya, hinahanap din ng Macau government ang mga nagmula ng Wuhan na nagtungo sa kanilang lugar habang bumalik ng mainland China ang ilan sa mga ito.

Dinagdag niya na ginagawa ng Macau government ang lahat para makontrol ang pagkalat ng 2019-nCoV doon kung saan tuwing alas kwarto ng madaling araw ay may helicopter na nag-i-spray ng disinfectant doon.

Kinakailangan din aniya na bago pumasok ang mga tao sa mga gusali gaya ng mga casino at hotel ay gagamit muna ang mga ito ng sanitizer at magsusuot ng mask habang mahigpit na ipinapatupad ng Immigration Office doon ang ban sa mga travelers mula China.

Apektado pa aniya ang mga negosyo sa Macau dahil karamihan sa mga kustomer ng mga ito ay mga casino players.

Samantala, naging malungkot aniya ang selebrasyon ng Chinese New Year sa Macau dahil lahat ng mga nakahandang aktibidad para dito ay kinansela.

Napag-alaman na aabot sa 935 kilometro ang layo ng Macau sa Wuhan, China.