Naiintindihan daw ng Board of Trustees ng Home Development Mutual Fund, better known as the Pag-IBIG Fund na patuloy pa rin ang pag-recover ng maraming miyembro nito mula sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) kaya aprubado sa kanila ang pagpapaliban sa 2023 contribution hike.
Ayon kay Department of Human Settlements at Urban Development Secretary at chairman ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees Jose Rizalino Acuzar, unanimous o lahat daw ng mga miyembro nila ang nag-apruba sa pagpapaliban sa contribution hike.
Aniya, ang mga members at employers daw kasi ay patuloy pa ring bumabangon mula sa financial challenges mula sa epekto ng pandemic sa ekonomiya ng bansa.
Dahil dito, ang buwanang kontribusyon ng kanilang mga miyembro sa 2023 ay ipatutupad na sa Enero 2024.
Noong 2019, sinunod ng Pag-IBIG Fund ang planned contribution increase para sa 2021 mula P100 ay naging P150 para sa mga miyembro.
Hindi kasi nabago ang rates ng Pag-IBIG mula pa noong 1986.
Ang kasalukuyang minimum monthly contribution ng Pag-IBIG members ay nasa P200 na pinaghahatian ng mga employers at employees.
Una nang nagpanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpaliban muna ang pagtataas ng kontribusyon para maibsan ang financial burden ng bawat Pilipino dahil pa rin sa nararamdamang socio-economic challenges na dala ng COVID-19 pandemic.
Para naman kay Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta ang robust fiscal standing at malakas na koleksiyon sa mga miyembro ay siyang naging dahilan para makapag-ipon sa ilalim ng regular at MP2 Savings programs.