Umabot na sa P2.48 billion ang halaga ng calamity loan na naipamahagi ng Pag-IBIG sa mga kwalipikadong Pilipino sa unang sampung buwan ng taong 2023.
Ito ay napakinabangan ng kabuuang 149,507 na miyembro mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Marilene Acosta, ang Head ng Pag-IBIG fund, ang paghahatid ng calamity loan sa mga miyembro ay bahagi ng pagtalima nila sa panawagan ng Administrasyong Marcos na matulungan ang mga Pilipinong naaapektuhan ng mga kalamidad; kabilang na dito ang mga naapektuhan ng mga bagyo, pagbaha, lindol, atbp.
Maalalang nitong Nobyembre ay muling binuksan ng naturang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) ang calamity loan nito para sa mga apektado ng nangyaring magnitude 6.8 na lindol sa Mindanao.
Maliban dito, binuksan din ng ahensiya ang naturang programa para sa mga biktima ng malawakang pagbaha sa Eastern Visayas at Bicol Region kung saan hanggang ngayon ay marami pa rin ang lubog sa tubig baha.