BAGUIO CITY – Ipinaparamdam ng mga Pilipino sa Cyprus ang kanilang pag-ibig sa kapwa Pinoy ngayong panahon ng krisis dahil sa COVID 19 pandemic sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Sorr Perez, isang OFW sa Cyprus mula Tuba, Benguet, sinabi niyang may grupo ng mga Pilipino doon tulad ng Filipino Literacy Society kung saan, siya ang nagsisilbing presidente.
Sinabi niyang ginamit nila ang pondo ng grupo at namigay pa ng karagdagang halaga ang kanilang mga miyembro at ang naipon nilang pera ay ipinambili nila ng mga pagkain para sa mga Pinoy na apektado ng krisis.
Aniya, bago ang krisis ay aktibo ang kanilang grupo na nagsasagawa ng seminars at schooling para sa mga Pilipino sa Cyprus.
Tiniyak niyang nasa maayos na kalagayan ang mga Pinoy doon kasabay ng health emergency dahil sa COVID 19.