-- Advertisements --

Naniniwala si dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na walang saysay ang isasagawa ng Senado na pag-imbestiga sa paraan ng pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.

Ayon kay Panelo, hindi na ito kailangan lalo at lalabas na isang publicity lamang ito para sa nalalapit na 2025 elections.

Una nang itinakda ng Senado ang pagsisimula ng pagdinig sa Huwebes, March 20, kung saan si Sen. Imee Marcos ang mangunguna sa imbestigasyon.

Pero ayon sa dating Duterte appointee, para saan pa ang isasagawang imbestigasyon?

Giit ng batikang abogado, kung ito ay kung alamin ang legalidad ng nangyaring pag-aresto, nagtapos aniya ang senadora sa pagka-abogasya at bagaman hindi siya abogado, alam umano niyang iligal ang nangyari.

Paliwanag ni Panelo, dati nang alam ng senadora na iligal ang nangyari kaya’t hindi rin umano siya sumama sa rally ng Alyansa dahil posibleng hindi niya ito masikmura, bagay na nagpapatunay aniyang batid ng presidential sister na iligal ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo.

Naaresto si Duterte nitong Marso-11 paglapag ng kaniyang sinasakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Matapos maaresto, dinala siya sa Villamor Airbase sa Pasay City at matapos ang ilang oras ay agad din siyang inilipad patungong Netherlands. Dalawang araw matapos nito ay agad siyang pinaharap sa Pre-Trial hearing ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kaniyang kasong crimes against humanity.