Hindi na mag-iisyu ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng work permits para sa mga dayuhang manggagawa na nagtratrabaho sa mga kompaniya ng Philippine offshore gaming operator (POGO).
Ayon sa DOLE- National Capital Region office, itinigil na nito ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa alien employment permits para sa POGO workers simula noong Mayo 2.
Paliwanag ni DOLE-NCR director Sarah Mirasol na ang kanilang tatanggapin na lamang ay tanging ang mga aplikasyon para sa regular internet gaming licenses, provisional internet gaming licenses o may notice of approval ng nabanggit na lisensiyang inisyu ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at authorizations o notice of approval of authorizations for gaming content providers and support providers.
Gayundin, tatanggapin ng DOLE ang accreditations o notice of approval of accreditation ng sumusunod na service providers gaya ng local gaming agents, special class of BPO (business process outsource), training program providers, independent testing laboratories, probity checkers at accredited hubs.
Matatandaan na ilang grupo ang nagsusulong sa pagsasara ng POGO sa bansa dahil sa kanilang epekto sa lipunan na naiuugnay pa sa mga kriminal na aktibidad kabilang ang scam operations, human at sex trafficking, illegal immigration and employment, kidnapping at iba pang heinous crimes.