KORONADAL CITY – Bukas ang pulisya sa pagsagawa ng NBI ng hiwalay na imbestigasyon sa nangyaring shootout na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pulis at magkapatid na Papna kung saan isa sa mga ito ang may standing warrant of arrest sa kasong murder.
Ito ang inihayag ni PLt.Col Realan Mamon, hepe ng M’lang MPS sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Mamon, ikinalungkot nila ang pagkamatay ng 2 intel operatives ng Kidapawan PNP sa nangyaring shootout sa bahagi ng Prk. Uni, Barangay Bialong, M’lang ,North Cotabato.
Kinilala ni PLt.Col Mamon ang mga pulis na namatay na sina Police Chief Master Sgt. Fletcherlyn Dominic Pido at Police Staff Sgt. Arman Alquiza Bada.
Nanindigan si Mamon na legitimate operation ang isinagawa ng dalawang pulis dahil may koordinasyon sa kanilang surveillance operation ng mga ito laban sa magkapatid na negosyante na sina John Kevin Papna, 26 anyos at Jerson Papna, 35 anyos, na pawang mga residente ng nasabing lugar at subject ng warrant of arrest sa kasong murder.
Kaugya nito, nais naman ng pulisya ng malalimang imbestigasyon kung may ibang mga suspek pa na sangkot sa insidente.