BAGUIO CITY – Ipinag-utos na ni DILG Secretary Eduardo Año ang pag-imbestiga ng PNP-CIDG at Regional Inter-Agency Task Force sa mga reklamong isinampa sa DILG laban kay Abra Gov. Joy Bernos.
Inirereklamo si Gov. Bernos ng di umano’y abuse of authority at paglabag sa IATF Guidelines nang ipag-utos nito ang lockdown sa Petronilo V. Seares Sr. Memorial Hospital kung saan ikinokonsidera ang mga ospital na essential kahit na anong lebel ng umiiral na community quarantine.
Giit pa ng ospital, walang pag-apruba mula sa Regional IATF ang utos na lockdown, at naipagpatuloy ito kahit pa nagnegatibo ang resulta ng COVID test ng dalawang suspected individuals na na-admit sa kanilang pasilidad.
Nakasaad sa sulat ni Sec. Año sa PNP-CIDG na may prima facie evidence na may iregularidad sa pagpapatupad ng discretion o otoridad ng gobernadora.
Inilahad naman ni Dr. Voltaire Seares na financially affected ang kanilang ospital at posibleng mag-shutdown kung hindi pa aalisin ang lockdown.
Una rito, ipinag-utos ni Gov. Bernos ang total lockdown sa Seares Hospital noong June 5 matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang nars doon kasunod ng total lockdown ng Barangay Zone 4 kung saan ito matatagpuan noong June 13.
Napag-alamang kahapon lamang ay inalis na ang lockdown ng nasabing ospital habang tinanggal din ang lockdown sa Zone 4 kamakalawa.