Pag-aaralan umano ng liderato ng Senado ang posibilidad na imbitahan din sa pagdinig ng mataas na kapulungan sa isyu ng umano’y red-tagging si Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison.
Ayon kay Senate committee on national defense chairman Panfilo Lacson, maliban sa labas na si Sison sa hurisdiksyon ng bansa, baka wala rin aniyang maging probative value ang magiging pahayag nito kahit na sa isang legislative inquiry.
Dagdag pa ni Lacson, saklaw ng isang warrant of arrest na inisyu ng korte si Sison, na kasalukuyang nakabase sa Switzerland.
Maging si Senate President Vicente Sotto III ay naghayag na kanilang pag-aaralan ang posibilidad na imbitahan si Sison.
Una rito, itinanggi ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara ang paratang na sila raw ay “front” ng CPP.
Pero iginiit muli ng security sector na si Sison mismo ang nagbigay ng pangalan ng mga organisasyong iniuugnay sa mga komunista.
Ngunit nauna nang sinabi ni Sison na wala raw silang pinangalanang progresibong grupo na legal fronts ng komunistang grupo.