Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na natapos nito ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota para sa pilot automated Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa mga piling lugar sa bansa.
Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, natapos ang pag-imprenta ng mga nasabing balota sa loob ng isang araw lamang.
Ang nasabing batch account ay para sa mga opisyal na balota na kailangan sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City District 6 na may 60,766 na botante; kasama ang Barangay Paliparan III at Barangay Zone II sa Dasmariñas City, Cavite, na may 51,435 at 1,475 na rehistradong botante.
Sinabi ni Laudiangco na ang deployment ng lahat ng accountable forms, kasama na ang mga balota, ay magsisimula naman sa susunod na buwan.
Sa kabuuan, ang mga opisyal na balota para sa pilot automated BSKE ay kinabibilangan ng 86,165 na balota para sa Barangay at 27,511 na balota para sa SK.
Gayunman, sinabi ng poll body na dapat nilang unahin ang paglalagay ng mga opisyal na balota sa malalayong lugar, partikular sa Batanes, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kabilang ang Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.