-- Advertisements --

Ipinagpaliban muli ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga balota na nakatakda sanang magsimula bukas ng hapon, Enero 23 ito ay kasunod ng paghahain ng withdrawal ni Francis Leo Marcos o si Norman Mangusin sa tunay na pangalan, ng kanyang kandidatura sa pagka-senador.

Si Marcos ang pinakabagong nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) para sa national na lebel kaya naman ay kinailangan na ihinto pansamantala ng komisyon ang pag-imprenta ng mga balota para sa ilang pagbabago.

Ayon kay Marcos, nag-withdraw siya upang magbigay daan sa kandidatura ni Sen. Imee Marcos at hinimok na suportahan ang senadora sa halalan.

Dagdag pa niya na hindi niya na rin gugustuhin na siya ang maging dahilan ng muling paggastos ng gobyerno para sa pag-iimprenta ulit ng mga balota kay minabuti niyang umatras na lamang.

Para naman sa komisyon, ito ay kanilang tinanggap. Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, muling mauuurong ang pag-imprenta ng mga balota sa Lunes, Enero 27 upang magbigay daan sa pagsasaayos ng database, serialization at mga ballot face templates.

Kaugnay nito, hinimok ni COMELEC Chairman Garcia ang mga kandidato na mga may balak pang mag-withdraw ng kanilang mga kandidatura na gawin na ito nang mas maaga habang hindi pa nagsisimula ang poll body sa pag-imprenta ng mga balota.

Dagdag pa ni COMELEC Chairman Garcia na kung sakali man na na-imprenta ng muli ang mga balota at may biglang nagwithdraw na aspirante, hindi na nila uulitin ang pag-imprenta sa halip ay ituturing na lamang na mga stray votes ang mga makukuhang boto ng kandidatong umatras.

Sa pagsisimula sa Lunes ay magpapadala muli ang komisyon sa Korte Suprema ng sulat upang ipaalam na magsisimula na sila sa pag-imprenta ng mga balota.