BAGUIO CITY – Dumipensa ang Philippine National Police (PNP) matapos kumalat ang larawan ng regional director ng Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR) habang nagsasagawa ito ng umano’y inspeksyon sa mga vote-counting machines (VCM) at iba pang election paraphernalia sa Baguio City.
Makikita sa larawan si PROCOR regional director Brig. Gen. Israel Dickson na nagsasagawa ng pinaniniwalaang inspeksyon sa warehouse ng Comelec noong nakaraang linggo.
Kasunod nito ay kwinestiyon ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang ginawa ng opisyal.
Iginiit ni Guanzon na bawal ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga warehouse ng Comelec kung wala itong pahintulot.
Sinabi pa ni Guanzon na hindi kabilang sa mandato ng PNP ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga election paraphernalia.
Gayunpaman, sinabi ni PNP spokesperson Col. Bernard Banac na bahagi ng mandato ng PNP sa darating na halalan ang pag-inspeksyon sa mga gagamiting materyales.
Sa kabila nito, naniniwala pa si Banac na hindi masasabing inspeksyon ang ginawa ni Dickson.
Idinagdag ni Banac na nautusan ang PNP para sa overall security sa pagpapadala sa mga election paraphernalia sa mga warehouse ng Comelec.