-- Advertisements --

DAVAO CITY – Taliwas sa kumalat na impormasyon na may isang dalagita na dinukot sa Toril, Davao City at dinala sa General Santos City, nilinaw ngayon ng hepe ng Toril Police Station na si Pol. Major Carol Jabagat na hindi totoo ang nasabing kidnapping incident sa Toril area.

Matatandaang nasagip ng mga pulis sa GenSan ang isang 14-anyos na dalagita na bigla umanong isinakay sa kotse habang naglalakad sa Toril at dinukot sa GenSan.

Sa inilabas na impormasyon ni PCol. Paul Bometivo, Acting City Director ng General Santos City Police Office, isinaysay ng biktima na bigla siyang hinarang ng sasakyan habang naglalakad sa kalsada.

Ayon kay Bometivo, huminto umano ang sasakyan sa kahabaan ng Santiago Boulevard sa Dadiangas kung saan nagkaroon ng pagkakataong makatakas ang dalagita at agad na nakahanap ng tulong.

Pero nilinaw ni PMaj. Jabagat na ayon sa kanilang imbestigasyon, hindi masasabing kidnapping ang insidente dahil gumagawa lamang ng kwento ang dalagita dahil natatakot itong umamin sa kanyang mga magulang na may boyfriend na at buntis din ito.

Sa kasalukuyan, nakabalik na ang dalagita sa kanyang pamilya sa Brgy. Binugao Toril sa lungsod ng Davao.