-- Advertisements --

Binigyang diin ni Justice Sec. Menardo Guevarra na dapat ay confidential ang mga resolusyon ng kagawaran lalo na sa mga sensitibong kaso para hindi masunog o malagay sa alanganin ang paghahanap sa mga akusado.

Reaksiyon ito ng kalihim sa pag-leak ng impormasyon sa media ng resolusyon na nag-uutos na kasuhan na sa korte si dating Police Col. Eduardo Acierto.

Dahil dito, inatasan na ni Guevarra si OIC Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na agad magsagawa ng internal investigation para matukoy kung sino ang responsable sa pag-leak ng impormasyon.

Maalalang si Acierto ay isa sa mga idinadawit sa P11 billion halaga ng shabu na isinilid sa magnetic lifter na nasabat sa Manila International Container Port (MICP).

Noong isang linggo, isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang operasyon para maaresto si Acierto at pitong iba pa pero nasunog umano ito dahil sa premature na pag-release sa media ng DoJ resolution laban kay Acierto.

Si Acierto ay hindi nagpakita sa mga isinagawang pagdinig sa DoJ pero kamakailan lamang nang ito ay lumantad at idinawit si Michael Yang, dating presidential adviser ng Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa illegal drug trade.

Ang kontrobersiyal na dating police official ay una nang na-dismiss sa serbisyo dahil umano sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang pagbili ng AK-47 rifles na kinalauna’y nakita sa posisyon ng New People’s Army (NPA).

Bukod kay Acierto, ipinaaresto rin ng korte si dating PDEA Deputy Director for AdministrationIsmael Fajardo, Ang importer na sina Chan Yee Wah at Zhou Quan, mga consingees na sina Vedasto Baraquel Jr at Maria Catipan ng Vecaba Trading at isang Emily Luquingan.