BAGUIO CITY – Nagbabala si Mayor Benjamin Magalong sa mga opisiyal at residente ng P. Burgos Barangay, Baguio City.
Sinabi ng alkalde na maaaring isailalim ang barangay sa lockdown kapag patuloy ang paglabag ng ilang residente sa mga protocols ng Enhanced Community Quarantine.
Nagpaalala din ang alkalde sa mga opisiyal ng barangay dahil ang mga ito ang mas lalong mahihirapan kapag maisailalim sa lockdown ang kanilang barangay.
Aniya, ito ay dahil ang mga opisyal ng barangay ang bibili ng mga kailangan ng residente kapag naka-lockdown na ang kanilang lugar.
Sa ngayon ay nananatiling naka-lockdown ang San Luis Extension; Dominican Sector 5; BGH Compound; Woodsgate subdivision sa Camp 7 at Purok 1, Camp 8, Baguio City.
Gayundin, naka-lockdown pa rin hanggang ngayon ang Teacher’s Village sa Santo Tomas Proper Brgy. at ang Sitio Sto. Niño sa Bakakeng Central, Baguio City
Ilan sa mga nasabing barangay ay nakapagtala ng positibong kaso ng COVID 19 habang ang iba ay isinailalim sa lockdown dahil sa patuloy na pagsuway ng ilan sa mga residente.