-- Advertisements --

ROXAS CITY – Pinagdedebatehan pa umano ang pagsasailalim sa lockdown sa Taipei, ang capital city ng Taiwan dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ito ang iniulat sa Bombo Radyo ni Bombo International Correspondent Charlene Esmolada Tamzen.

Ayon kay Tamzen, pinag-uusapan pa umano ng gobyerno ng bansa kung magpapatupad ito ng lockdown lalo na kung magpapatuloy ang pag-akyat ng kaso ng naturang sakit sa bansa.

Inihayag pa nito na wala ring panic-buying na nangyayari sa bansa dahil ipinasiguro naman umano ng gobyerno na walang shortage na mangyayari sa suplay ng mga pangunahing bilihin.

Sa ngayon ay nananatiling normal ang sitwasyon sa bansa kung saan wala pa umanong ipinatutupad na curfew.

Malaking bagay umano ang pagsunod ng mga residente sa mga kinauukulan upang makaiwas sa naturang sakit kabilang na ang pag-obserba ng social distancing at pagsuot ng face mask.

Kinumpirma rin nitong naisagawa pa ang sikat na lantern festival sa bansa noong nakaraang buwan ng Marso.