Isinusulong ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pag-modernize ng Armed Forces of the Philippines partikular na ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) kasunod ng agresibo at bayolenteng aksiyon ng Chinese forces laban sa mga PH personnel sa West Philippine Sea.
Ayon sa dating Senate President, patuloy ang paglabag ng China sa teritoryo ng PH at sa exclusive economic zone ng bansa sa WPS.
Hindi na aniya sapat ang pagkondena sa China. Nakita naman aniya sa nilabas na video kung paano kinawawa, pinagtulungan at tila kinuyog ang ating magigiting na sundalo kung saan isa sa mga ito ay nagtamo ng seryosong pinsala sa katawan.
Kahit pa malaking bilang ng sektor ng international community ang tumitindig kasama ng PH, hindi pa rin natitinag ang China.
Sinabi din nito na malinaw na intensiyon nila na ipagpatuloy ang kanilang paggamit ng pwersa sa ating teritoryo at EEZ.
Kayat ayon sa Senador ang pagsusulong ng modernization program ng local forces ay ang tanging paraan. Bagamat hindi aniya mapapantayan ng PH ang lakas ng militar ng China, maaari pa ring pataasin ang bilang ng mga nagpapatroliya sa WPS.
Dagdag pa ni Zubiri na naglaan ang Senado ng mahigit P6 bilyong pondo para sa AFP at P2.8 bilyon naman para sa PCG ngayong taon.
Kayat kailangan aniya na agarang mailabas ang nasabing mga pondo para matulungan ang local forces na makabili ng mga barko at kagamitan sa depensa na kailangan para sa pagprotekta sa kanilang sarili at pagdepensa sa ating karagatan.