Pinuri at binati ni AFP Central Command Commander Lt. Gen. Roberto Ancan ang Joint Task Force Spear na kinabibilangan ng 3rd Infantry Division, Task Group Cebu-Bohol-Siquijor at 47th Infantry Battalion sa matagumpay na operasyon laban sa NPA sa Bilar, Bohol kahapon.
Ito’y matapos na makasagupa ng mga sundalo ng 47th IB ang 11 NPA habang nagsasagawa ng security operations sa Barangay Cabacnitan.
Patay sa pakikipaglaban sa mga sundalo ang pinaniniwalaang Vice Commanding Officer ng SYP Platoon ng Bohol Party Committee ng CPP-NPA at apat na iba pang miyembro nito.
Sa panig naman ng militar isang sundalo ang sugatan.
Narekober ng mga tropa ang dalawang M16 rifles; limang 45 caliber pistols ; isang bandolier; tatlong short magazine ng M16 na may 30 bala, anim na cellular phones; isang laptop; isang granada; isang hand-held radio, at mga subersibong dokumento.
Ayon kay 3rd Infantry Division Commander Major General Eric C Vinoya, ang Bohol ay dating idineklarang insurgency-free dahil sa pagnanais ng mga Boholano na mamuhay ng mapayapa.
Pinayuhan ni Vinoya ang NPA na huwag nang manggulo sa Bohol kung ayaw nilang sapitin ang kinahinatnan ng kanilang mga kasamahang namayapa na.
Patuloy naman ang pagtugis ng militar sa mga nalalabing miyembro ng NPA na nagsitakas matapos ang enkwentro.