-- Advertisements --

Pinuri ni PNP Chief PGen. Debold Sinas ang mga operatiba ng PNP na responsable sa matagumpay na operasyon sa Cotabato City na nagresulta sa nutralisasyon ng suspek sa 2018 New Year Cotabato City Mall Bombing.


Sa ulat ni Police Colonel Warren De Leon, Acting Director ng PNP Intelligence Group, kinilala suspek na si Abraham Abad Abdulrahman a.k.a. Abu Suffian, na nasawi matapos na makipaglaban sa mga pulis kahapon ng 1:30 ng madaling araw sa Barangay Bagua 2, Cotabato City.

Ang team na kinabibilangan ng Counter-Terrorism Division ng Regional Intelligence Units 12 & 15 ng PNP-Intelligence Group (IG), Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG) – BAR Regional Field Unit; PNP Special Action Force (SAF); at Cotabato City Police Office ay magsisilbi sana ng search warrant sa bahay ni Jasmiyah Camsa Imbrahim, na asawa ni Suffian.


Dito’y nagkaroon ng matinding palitan ng putok na ikinasawi ni Suffian; habang si Jasmiyah ay nakatakas.

Si Suffian ay miyembro ng Dawlah Islamiya na lumahok sa seige ng Butig at Marawi City, Lanao del Sur kasama ang Maute Group, at isa sa mga mastermind ng South Seas Mall bombing sa Cotabato City noong Disyembre 31, 2018, na ikinasawi ng 2 katao at ikinasugat ng 30 iba pa.