Kinuwestiyon ng ilang kongresista ang polisiya ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa pagsuot ng face mask ng mga motorista sa mga pribadong sasakyan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, magiging pagkakataon lamang ito sa mga tiwaling traffic officers para mang-kotong sa mga motorista.
Iginiit naman ni Nueva Ecija Rep. Mikki Vialago na impractical ang pag-obliga sa pag-suot ng face mask sa mga motoristang ito at kanilang mga kasama lalo pa kung iisang bahay lang naman din ang inuuwian ng mga ito.
Pero ayon kay LTO Asec. Edgar Galvante, ang polisiyang ito ay paraan na rin para makatulong sa pamahalaan upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19.
Samantala, pinuna naman ni Biazon ang violation na ipapataw sa mga motorista na hindi susunod sa naturang polisiya.
Sinabi ng LTO na reckless driving ang paglabag ng mga motoristang mahuhuling hindi nakasuot ng face mask.
Iginiit ni Biazon na hindi naman nakasaad sa batas na reckless driving na kung maituturing ang hindi pagsuot ng face mask.
Ang reckless driving ay tumutukoy aniya sa kung paano ino-operate o minamaneho ng isang driver ang sasakyan at hindi ito applicable sa hindi pagsusuot ng facemask sa loob ng sasakyan.
Katwiran naman ni Galvante, kaya “reckless driving” ang penalty sa mga hindi magsusuot ng facemask sa loob ng sasakyan ay dahil nailalagay umano sa alanganin ang kapakanan at kalusugan ng mga pasahero.