-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi napigilan ng ipinatutupad na lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga taga-Kuwait sa pag-obserba ng Ramadan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Elma Ojenar Masanque, tubong Camarines Sur at nagtatrabaho bilang mananahi sa Kuwait, eksaktong ikatlong araw na ngayon ng fasting o pag-aayuno ng mga Muslim sa naturang bansa.

Dahil dito, pinagbabawalan umano ang mga hindi Muslim na magpakita sa publiko habang umiinom o kumakain na posibleng makaapekto sa mga nag-aayuno.

Patungkol naman sa lockdown, karamihan pa rin ng mga OFW ay walang trabaho sa ngayon dahil sa pagpapasara ng mga establisimento.

Mahigpit rin na pinagbabawalan ang paglabas ng walang suot na face mask at tuwing oras ng curfew kung saan pinagmumulta ang mga nahuhuling lumalabag.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 3,200 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Kuwait habang 22 na ang naiulat na namatay.