Iginiit ni dating Department of Justice Secretary at election law expert Alberto Agra na magiging bentahe ng publiko ang plano ng Commission on Elections na i-post online ang Certificate of Candidacy (COC) ng mga kakandidato sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Agra, bagamat posibleng may mga tumututol dito, magiging malaking tulong ang bagong hakbang ng Comelec para maipakita ang transparency sa election system ng bansa.
Aniya, maaari nang malaman kaagad ng publiko kung sino ang mga kakandidato sa susunod na halalan. Maaari aniyang ang publiko na mismo ang maghain ng disqualification case laban sa mga kandidato, dahil sa kilala rin nila ang mga kandidato.
Maliban sa posting ng mga COC, magiging malaking tulong din sa susunod na halalan ang bagong resolusyon ng Comelec na nag-aatas sa mga kandidato na irehistro ang kanilang mga social media account.
Ayon kay Agra, bahagi rin ito ng transparency o pagiging malinaw ng ikakasang kampanya ng bawat kandidato.
Ayon sa dating kalihim, ang mga bagong panuntunan ng Commission on Elections ay pawang pagpapakita ng pagnanais nitong mapagbuti ang election system sa bansa.
Bagamat bago lamang ang mga ito sa bansa, tiyak aniyang makakatulong ang mga ito para sa mas maayos na pagpili ng mga botante pagsapit ng halalan.