Pinag-aaralan ng ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibleng pagpapatupad ng bagong guidelines sa pagsasagawa ng campaign rallies para sa May 2022 elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Wilfred Jay Balisado, director ng COMELEC Region 6, sinabi nito na sa naging obserbasyon ng poll body, may mga actuation sa kampanya na kasama na umano sa kultura ng mga Pilipino kagaya ng pakikipagkamay o pag-handshake at maging ang pag-selfie sa kandidato.
Ayon kay Balisado, ini-rerekomenda ng COMELEC na i-minimize ang nasabing mga scenario.
Ngunit dahil mahirap itong ipatupad, mas mabuti aniya na magsagawa na lamang ng adjustment sa campaign rules.
Ito umano ang tinututukan ng Comelec ngayong nag-umpisa na ang campaign period para sa national candidates.
Napag-alamang sa isinagawang proclamation rallies ng mga national candidates noong Pebrero 8 kasabay ng unang araw ng 90-day period ng election campaign, nalabag ang mga protocol kagaya ng physical distancing dahil sa hindi ma-kontrol na volume ng tao.