-- Advertisements --
atm
Queenbank ATM

Binuhay uli sa Kamara ang panukalang magtatakda ng standard rate sa transaction fees at charges sa mga automated teller machines (ATMs).

Kaugnay nito ay ihahain muli nina Bayan Muna Party-list Reps. Carlos Isagani Zarate at Ferdinand Gaite ang House Bill 2105 na kanilang nauna nang inihain noon pang 16th Congress.

Kasunod ito nang paglabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng memorandum na nagtatanggal ng moratorium sa dagdag singil sa mga ATM fees.

Sa ilalim ng panukala nina Zarate at Gaite, oobligahin ang pagpapaskil ng singil at iba pang charges sa ATM transactions upang alam agad ng publiko bago pa man sila mag-withdraw o balance inquiry.

Hangad din nilang pagpaliwanagin ang BSP sa mungkahing taasan ang ATM fees sa P15 hanggang P30 mula sa singil na P10 hanggang P15 sa kasalukuyan.

Nauna na rin kasing pinayagan ng BSP ang mga bamgko na magpataw ng kanilang nais na transaction fee kapalit ang maayos na serbisyo at pagiging transparent sa publiko.