KALIBO, Aklan – Inirekomenda ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na isama sa mga regulated water sports ang dragon boat activities sa isla ng Boracay.
Ayon kay Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) general manager Natividad Bernardino, ito umano ang isa sa mga nabuong rekomendasyon ng task force sa isinagawang pulong kabilang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Layunin aniya nito na mabantayan ang bawat galaw at aktibidad sa dagat upang hindi na maulit ang trahedya na ikinasawi ng pitong paddlers ng Boracay Dragon Force team.
Nabatid sa pulong na hindi sumunod sa safety protocols partikular sa pagsusuot ng special life vest ang nasabing grupo habang nag-eensayo sa dagat.
Samantala, hiniling ng Boracay All Stars Dragon Boat team na tanggalin na ang suspensyon sa lahat ng dragon boat activities sa nasabing isla na iniutos ni Environment Secretary Roy Cimatu dahil mag-eensayo umano ang mga ito para sa sasalihang international competition sa bansang Taiwan.