Hinimok si Quezon 2nd District Representative David “Jayjay” Suarez ang mga kapwa nitong mambabatas na repasuhin ang mandato ng Sugar Regulatory Administration (SRA) batay sa Executive Order No. 18 at ang Sugarcane Industry Development Act of 2015.
Ito’y kasunod sa naging pahayag ni dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica sa ginawang pagdinig ng House Committee on Good Governance and Public Accountability at Agriculture and Food na hindi naman bumuti ang kalagayan ng sugarcane farmers mula nang itatag ang SRA, 35-taon na ang nakalipas.
Binigyang-diin ni Rep. Suarez, na hindi nagagampanan ng SRA ang mandato nito dahil patuloy pa ring nakaasa sa pag-aangkat ng asukal ang bansa na nagreresulta sa patuloy na pahirap at mababang kita ng mga magsasaka ng tubo.
Dahil dito, itinutulak ni Suarez na hanapan ng legislative remedy ang SRA upang maisa-ayos ang pamamalakad nito o kaya ay tuluyan nang buwagin ang ahensiya.
“I think it is time that Congress review the mandate and continued existence of the SRA. We can recommend legislative remedies and improve it, or maybe we can even recommend its abolition, whichever would bring more benefit to our sugarcane planters, laborers, and other stakeholders” pahayag ni Rep. Suarez.