-- Advertisements --
PMA CADET
Cadet 4th Class Darwin Dormitorio

CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring na “welcome development” ng pamilya Dormitorio ang pag-resign ni Philippine Military Academy (PMA) superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at PMA cadet commandant Brig. Gen. Bartolome Bacarro.

Ito ay kasunod nang kabiguan nila na mapigilan ang hazing o pagmaltrato ng ilang upperclassmen na nagresulta sa pagkasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio habang nasa kasagsagan ng military training.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag sa kapatid lalaki ni Darwin na si Dexter Dormitorio na bagamat inaasahan na nila ang pagbitiw ng ilang PMA officials subalit mahalaga sa kanila na mabigyang hustisya ang nangyari sa kanilang pamilya.

Inihayag ni Dormitorio na ikinagalak din ng kanilang pamilya na inalis sa katungkulan ang doktro na huling nagbigay medikasyon kay Darwin bago binawian ng buhay.

Una nang nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya Dormitorio na tulungan sila para mapadali ang pagkamtan ng hustisya at ang pagpapakulong sa mga nasangkot sa kaso ng hazing sa 20-anyos na si Darwin na ililibing na nitong araw sa lungsod.

Samantala liban kay Dormitorio, may tatlong pang mga kadete ang nasa dalawang ospital sa Metro Manila.