Suportado ng sektor ng mga guro sa bansa ang panawagang busisiin ang K-12 program para ganap na matugunan ang mga probema dito.
Ayon kay ACT Teachers party-list lawmaker France Castro, maghahain muli ito ng isang resolution sa 19th Congress na hihikayat sa House of Representatives na magsagawa ng pagsisiyasat partikular na sa ilang nakitang problema sa implementasyon ng programa at iginiit na napapanahon na para pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang matagal ng mga suliranin sa edukasyon.
Hinikayat din ng mambabatas si incoming Education Secretary at VP-elect Sara Duterte-Carpio na pakinggan ang hinaing ng publiko na tignan ang realidad at epekto ng mababang pondo, mababang sahod at kakulangan bunsod ng ipinapatupad na enhanced basic education program.
Aniya, ang mga kakulangang ito ay hindi lamang sa mga pasilidad at learning materials kundi maging ang suporta para sa sapat na sahod at benepisyo para sa mga guro at nonteching personnel na pangunahing apektado sa kalidad ng edukasyon sa bansa.
Iginiit din ng mambabatas na sa ilalim ng K-12 program hindi aniya napataas ang antas ng basic education curriculum subalit napahaba lamang aniya nito ng dalawang taon ang sekondarya at nagpadagdag sa mga aralin ng mga estudyante kung saan marami ang napag-iwanan.
Tinukoy ni Castro na magpapalala pa sa education crisis ng bansa ang pagtanggal ng asignaturang Philippine history sa sekondarya gayundin ang kinakailangang units sa Wikang Filipino at Philippine literature sa tertiary education.
Nauna ng nagpahayag din ng suporta ang Commission on Higher Education chair Prospero de Vera sa planong busisiin ang K-12 upang matukoy kung anong strands ng senior high school ang epektibo.