Sang-ayon ang Malacañang sa mga panawagan na i-review ang naging kasunduan ng Pilipinas partikular sa pagbibigay ng proteksyon sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa Kuwait.
Ito’y kasunod ng sinapit ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Constancia Dayag na inabuso at pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.
Nabatid na uuwi sana nitong May 16 sa bansa ang nasabing 47-anyos na OFW na tubong Isabela, matapos ang apat na taong pagtatrabaho sa Kuwait.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, marapat lang na ma-review ang nabuong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait dahil mismong si Labor Sec. Silvestre Bello na aniya ang nagsabi na nagkaroon ng breach o paglabag.
“I think we should, because according to Secretary Bello there has been a breach in the agreement signed by the 2 countries,” ani Panelo.
Noong nakaraang taon nang pumirma ang dalawang nabanggit na bansa sa memorandum of understanding na magbibigay ng mas malawak na proteksyon sa mga pinoy workers sa Kuwait.