Welcome sa MalacaƱang ang pag-amin at pag-sorry ni ABS-CBN President/CEO Karlo Katigbak sa hindi nila pagpapalabas ng campaign ad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 national elections.
Magugunita na sa pagdinig ng Senado ngayong araw, ipinaliwanag ni Katigbak na dahil sa “first come, first served policy” ng TV network, mayroong mga campaign ads ang hindi nai-ere at inamin rin nito na ang refund ay hindi agad nai-release ng kompanya.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, masaya sila dahil inamin na rin ng ABS-CBN ang kanilang naging pagkukulang at dapat ay matagal na nila itong ginawa.
Ayon kay Sec. Panelo, kung di pa umano nag-alburoto si Pangulong Duterte ay hindi pa sila kikilos.
Magugunitang matagal ng binabatikos ni Pangulong Duterte ang TV network ng mga Lopez dahil sa pagtanggap ng kanyang bayad noon pero hindi naman iniere ang kanyang campaign ad.