CAGAYAN DE ORO CITY – Suportado ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin na ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Naninwala kasi si Lorenzana na pinal na ang desisyon ni Duterte kaugnay sa pagputol sa ugnayan nito sa Amerika para sa usaping military engagements sa dalawang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lorenzana na hindi na mababago ang isip ng Pangulong Duterte upang talikuran ang kasunduan.
Sinabi ng kalihim na maging siya mismo ay kumbinsido na walang nang silbi ang VFA.
Inihanda na rin daw nila ang kanilang pormal na komunikasyon upang ipaalam ang intensyon sa Estados Unidos.
Dagdag ng kalihim na magkakaroon ng bisa ang pag-terminate sa VFA sa oras na matanggap ng Amerika ang komunikasyon sa loob ng 180 araw.
Magugunitang nag-ugat ang hakbang sa pagbanta ni Pangulong Duterte na ikakansela nito ang VFA matapos ipawalang-bisa ang travel visa ni Sen. Ronald dela Rosa.