CAGAYAN DE ORO CITY – Sisimulan na nang Mindanao International Container Terminal (MICT) ng Bureau of Customs (BoC) sa pag-unload ng mga basura ng Verde Soko Philippines Incorporated sa susunod na linggo.
Ito ang naging kumpirmasyon ni MICT Port Collector John Simon sa panayam ng Bombo Radyo.
Ayon kay Simon, sinimulan na nila ang repacking, containerizing at pag-transport ng basura galing sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Aabot sa P7.5 million ang kinakailangang pondo ng Verde Soko sa pagpapabalik ng natitirang 5,000 metric tons na basura patungong South Korea.
Una nang inako ng kompaniya sa pamamagitan ng kanilang representante na si Engr. Niel Alburo na ang Verde Soko ang siyang manguna sa pagpapabalik ng mga basura sa pamamagitan ng tulong ng isang local based company na nagta-transport ng mga kalakal.
Napag-alaman na nagkasundo ang mga government officials ng Tagoloan, Misamis Oriental at ang representante ng South Korea na si Ministry of Environment Director General Jung Young-dae na e-ship out ang basura ngayong Hunyo 30.