NAGA CITY – Tahasang tinawag ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na basura ang mga paratang ng Malacanang na may mga miyembro ng media na kasama sa matrix sa ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Espina, NUJP national president, sinabi nitong walang basehan ang naturang mga paratang kung kaya tiyak na gawa-gawa lamang ito para siraan ang media.
Aminado man si Espina na nakakabahala na ang ganitong sitwasyon dahil inilalagay aniya ng naturang report sa peligro ang buhay ng mga taong kasama sa matrix.
Kaugnay nito, nanindigan si Espina na isa lamang itong paraan para takutin daw ang mga kagawad ng media para mapatahimik lalo na ang mga bumabatikos sa administrasyon dahil sa ilang katiwalian.