-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Posibleng mas lalakas pa ang pag-ulan na nararanasan ngayon sa Cordillera region dahil sa habagat.

Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) – Cordillera regional director Albert Mogol, dahil ito sa pagpasok ng low pressure area (LPA) sa Philippine Area of Reponsibility.

Dahil dito ay itinaas na nila sa blue alert status ang Operations Center ng Cordillera RDRRMC bilang paghahanda at para matiyak na rin na ligtas ang mga nasa vulnerable areas sa rehiyon.

Samantala, inilabas na rin ng Mines and Geosciences Bureau – Cordillera ang updated list ng mga geohazard, flood-prone at landslide-prone areas sa buong rehiyon kung saan nakasaad ang mga specific information sa mga sakunang karaniwan sa nasasakupan ng bawat LGU.

Sinabi ni Mogol na sa pamamagitan ng updated list ay makakabuo ang mga LGUs ng kaukulang aksiyon bago pa ang isang sakuna para maiwasan ang pagkawala ng buhay.

Nagkasundo na rin daw sila ng mga LGUs sa pagpapatupad ng agarang preemptive evacuation bago pa pumasok ang anumang bagyo sa nasasakupan ng Cordillera Region.