Nakatulong ang mga pag-ulang naranasan nitong Bagong Taon para malinis ang Metro Manila mula sa mabigat na air pollution na naranasan kahapon, Jan 1, 2025.
Maalalang sa naging ulat ng Swiss research firm na IQAir ay umabot sa ‘unhealthy’ level ang kalidad ng hangin sa Metro Manila dahil sa pinagsama-samang salik tulad ng mga usok mula sa planta ng kuryente, usok at uling mula sa wildfires at pagsusunog ng mga basura, vehicular emissions, usok mula sa mga firecracker, makina, at iba’t-ibang industrial processes.
Ayon kay Environmental Management Bureau – Air Quality Monitoring Section chief, Engr. Jundy del Socorro, bahagyang nakatulong ang naranasang pag-ulan para mapababa ang lebel ng polusyon at malinis muli ang hanging nalalanghap sa kamaynilaan.
Paliwanag ng opisyal na ang ulan ay may ‘natural scrabbing mechanism’ o nagagawa nitong kayodin ang concentration ng mga kemikal sa hangin.
Sa katunayan aniya, kung naging mas malakas sana ang mga pag-ulang naranasan sa Metro Manila ay tiyak na mas mabilis ding nawala ang banta ng polusyon at hindi na nagtagal.
Kinumpirma rin ni Engr. Socorro na ang biglaang pagtaas ng lebel ng air pollution sa NCR nitong Bagong Taon ay dahil na rin sa labis na usok dulot ng libo-libong paputok na sinindihan habang sinasalubong ang New Year.
Sa kasalukuyan, balik na aniya sa normal ang lebel o kalidad ng hangin sa Metro Manila kasunod ng naging problema kahapon.