-- Advertisements --

Nagagalak ang Department of Tourism (DOT) matapos i-ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 16.4 milyong Pilipino ang may trabaho sa mga sektor na may kinalaman sa turismo.

Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia-Frasco, patunay ito ng tagumpay ng pantay-pantay na pag-unlad ng turismo ng bansa sa ilalim ng National Tourism Development Plan (NTDP) 2023–2028.

Nanguna ang Central Visayas sa paglago na may 7.3%, kasunod ang Caraga (6.9%), Central Luzon (6.5%), Davao Region (6.3%), Eastern Visayas (6.2%), Northern Mindanao (6.0%), at Negros Island Region (5.9%).

Mula nang muling buksan ang bansa sa mga international tourist noong 2022, tumaas ang bilang ng mga bumibisita kung saan sa Central Visayas umabot ito sa 7.5 million ang bumisita habang 4.1 million katao naman ang bumisita sa Davao Region, at 1.7 million sa Caraga.

Sa kabuuan, umabot sa P760 billion ang kita ng turismo sa unang bahagi ng 2024.