ILOILO CITY – Isinusulong ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pag-upgrade ng mga bangka na sinasakyan ng mga pasahero na biyaheng Iloilo-Guimaras vice versa.
Ito ay kasunod sa nangyaring pagtaob ng tatlong mga bangka sa Iloilo Strait kung saan 31 ang namatay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Commodore Allan Victor Dela Vega, commander ng Philippine Coast Guard Western Visayas, sinabi nito na panahon na upang palitan ang mga pumpboats na dumadaan sa Iloilo Strait.
Ayon kay Dela Vega, maliliit ang sasakyang pandagat na dumadaan sa Iloilo Strait at hindi malayong maulit muli ang nasabing trahedya kapag pinahintulutan na pumalaot ang mga pumpboat.
Ani Dela Vega, hindi naaangkop ang pumpboat na pumapalaot sa Iloilo Strait dahil kapag may biglaang paglaki ng mga alon (squall) tiyak na tataob ang mga bangka.
Nanawagan naman si Dela Vega sa mga pasahero na ugaliin ang pagsuot ng life jacket sa tuwing sumasakay ng pumpboat.
Nilinaw naman nito na ang kapakanan lang ng mga pasahero ay kanilang iniintindi upang hindi na ulit mangyari ang trahedya.
Samantala, may isa na namang fishing vessel ang tumaob sa Lawi, Jordan Guimaras.
Ito ay matapos na hinampas ng subasko ang kanilang sakayang pandagat habang nangingisda.
Ngunit sa kabutihang palad, nakaligtas ang mag-amang mangingisda na sakay ng nasabing bangka.
Napag-alaman na pinapayo ng Philippine Coast Guard na kapag may gale warning na inilabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nararapat na iwasan ang pagpapalaot ng mga maliliit na sasakyang pandagat. (with reports from Bombo Chris Jan Hechanova-Lozada)