Inaasahang aaprubahan ng Commission on Elections ang resolution na nagpapahintulot sa pag-upload ng certificates of candidacies (COC) sa website ng ahensiya.
Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, iminungkahi na ito ni Comelec Chairman George Garcia at asahan aniyang magkakaroon ng resolution na magpapahintulot na maisapubliko ang COCs para maipagpatuloy ang makatotohanan at tapat na pangangampaniya at higit sa lahat ay accessibe ang impormasyon sa bawat botanteng Pilipino.
Ang suhestyon na i-upload ang COCs ng mga tatakbo sa Comelec website ay idinulog ni dating Comelec Commissioner Greogorio Larrazabal na magpapahintulot sa mga botante para masuri ang mga kandidato.
Sinabi din ni Laudiangco, sa pamamagitan ng pag-upload ng public documents tulad ng COCs sa website ng ahensiya ay mabibigyan din ng pagkakataon ang publiko na maghain ng election cases laban sa mga kandidato kung may nalabag ang mga ito.
Ang kopiya kasi ng COC ay kailangan para sa paghahain ng disqualification cases, kanselasyon ng COCs at petisyon para ideklara ang isang indibidwal bilang nuisance candidate.
Samantala, inirekomenda naman ni Comelec chairman Garcia sa en banc na dapat mailagay sa comelec website ang natanggap na COCs sa loob ng 2 linggo mula sa huling araw ng filing ng COCs.
Una rito, lumutang ang pangamba sa pagiging lehitimo ng mga kandidato sa gitna na rin isyung kinasasangkutan ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na kwinukwestyon ang nasyonalidad dahil sa mga butas na nakita sa kaniyang mga dokumento na nagpapatunay na hindi siya Pilipino.